Balisacan: Mga reclamation project sa Manila Bay, hindi ikinonsulta sa NEDA; NEDA, dapat kasama sa mga nag-aapruba ng proyekto

Hindi ikinonsulta sa National Economic and Development Authority (NEDA) ang mga sinimulang reclamation project sa Manila Bay.

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan na dapat kasama ang NEDA sa mga nag-aapruba at hiningian ng payo sa reclamation projects.

Aniya, ang NEDA ang nag-aapruba ng malalaking infrastructure projects sa bansa lalo na ang mga proyektong may malaking epekto sa ekonomiya at sa lipunan kaya dapat ay nakonsulta sila hinggil dito.


Idiniin pa ng kalihim na lahat ng inaprubahang proyekto ng NEDA ay maingat na pinag-aralan at tinitiyak na malulutas nito ang matinding problema sa pagbaha sa bansa.

Matatandaang sinuspinde ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang lahat ng reclamation project sa Manila Bay matapos ang naranasang matinding pagbaha sa Bulacan at Pampanga.

Facebook Comments