Ikinagulat ng Kabataan Party-list ang balita na ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines o CBCP ay miyembro na ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC.
Paalala ni Kabataan Party-list Representative Raoul Manuel, ang NTF-ELCAC ang naguna sa umano’y napakaraming paglabag sa karapatang-pantao, hanggang sa mismong pag-atake sa taong-simbahan at ang mga isinusulong nito ay taliwas sa turo ng Simbahang Katoliko.
Bunsod nito ay hinihiling ng Kabataan Party-list sa CBCP na ilahad at linawin sa publiko ang pasya nito na sumanib sa NTF-ELCAC.
Hinala ni Manuel, layunin ng NTF-ELCAC na pabanguhin ang kanilang imahe sa pamamagitan ng pagkontrol at paggamit sa relihiyon at sa Catholic community para sa surveillance, red-tagging at iba pang atake laban sa ordinaryong mamamayan.
Para kay Manuel, ipinapakita nito na bulok umano ang “whole-of-nation” approach na ginagamit ng NTF-ELCAC sa bisa ng Executive Order No. 70 kung saan pinailalim ang civilian agencies sa awtoridad at sa layunin ng militar para sa kontra-insurhensya.