Bamban Mayor Alice Guo, may mga kasosyong kriminal sa lupang pinagtayuan ng POGO hub

Ibinunyag ni Senator Risa Hontiveros na may koneksyon sa mga kriminal si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Ayon kay Hontiveros, ang mga ito ay kapwa incorporators ni Guo sa kanyang kompanya na Baofu Land Development Inc.

Tinukoy ni Hontiveros na batay sa mga dokumento ng Securities and Exchange Commission (SEC) noong 2019, dalawa sa mga kapwa incorporators ni Guo sa Baofu na sina Chinese national Zhang Ruijin, at Dominican national Baoying Lin ay nahaharap sa mga kaso.


Si Zhang Ruijin aniya ay convicted noon lamang nakaraang buwan dahil sa money laundering cases sa Singapore habang si Baoying Lin ay nahaharap din sa mga patong-patong na kaso.

Giit ni Hontiveros, kahit pa sabihing nag-divest na si Guo sa Baofu bago pa man tumakbo sa halalan noong 2022, nananatili pa rin ang katotohanan na may koneksyon ito sa mga kriminal.

Ang naturang isyu ay kabilang sa mga bubusisiin ng senadora sa muling pagharap ni Guo sa imbestigasyon ng Senado ngayong araw kaugnay sa human trafficking at cyber-fraud operations sa mga sinalakay na POGO sa Tarlac.

Facebook Comments