Ilagan, Isabela – Nagsimula na ang pinaka-aabangang Bambanti Festival ngayong 2018.
Ang taunang pagdiriwang ay magtatapos sa araw ng Sabado, Enero 27, 2018.
Sa pamamagitan ng banal na misa na isinagawa kaninang alas otso ng umaga sa St Michael Cathedral ay binuksan ang pagdiriwang na siya namang sinundan ng pagbubukas ng Agri-Ecotourism Exhibit kung saan ay tampok ang mga ibat ibang produkto at pagkakakilanlan ng mga bayan at siyudad ng Isabela.
Pinangunahan mismo ni Gobernador Faustino G. Dy III ang ribbon cutting sa Agri-Ecotourism Village o Bambanti Village sa harap ng kapitolyo ng lalawigan.
Magiging tuloy-tuloy ang mga aktibidad, exhibit at mga programa sa mismong harap ng kapitolyo hanggang matapos ang isang linggong pagdiriwang.
Maliban sa Bambanti Village, ilan sa mga tampok na mga aktibidad ay ang Medical/Dental/Surgical Mission, ‘Makan ken Mainum” Culinary Competition, Grand Opening ng “Isabela Kong Mahal” sa Isabela Sports Complex, Isabela Choral Competition, Grand Concert Party at Grand Fireworks Display.
Deklarado ding holiday o walang pasok ang Enero 26, 2018 sa bisa ng Executive Order #2 ni Governor Faustino “Bojie” Dy III sa pampubliko at pribadong tanggapan upang mabigyan ng pagkakataon ang mga mamamayan makibahagi sa pagdiriwang ng Bambanti Festival ngayong taon.