BAMBOO INDUSTRY, PATULOY NA UMUUSBONG SA BAYAN NG SAN CARLOS

Hindi lang dahil ito ang pinakamabilis lumaking halaman sa buong mundo, kilala ang kawayan bilang isang natatanging yaman na taglay ang kakayahang magbigay ng hanap-buhay sa maraming tao.

 

Sa San Carlos, City, ang industriya ng kawayan ay patuloy na umuusbong at lumalakas, nagsisilbing mahalagang haligi ng ekonomiya at sandigan ng mas maayos at masaganang pamumuhay ng mga residente.

 

Mula Hulyo 23 hanggang 25, 2025, isinagawa ng Pamahalaang Lokal ng San Carlos City ang isang pagbisita sa mga barangay ng Pangoloan, Balaya, Gamata, at Naguilayan upang mas mapalalim ang suporta sa industriya ng kawayan.

 

Sa mga panayam na isinagawa, natuklasan na ang pangunahing hanapbuhay ng mga mamamayan dito ay ang paggawa ng mga produktong gawa sa kawayan tulad ng bilao, pabitin, ubong, at kulungan ng manok— mga bagay na hindi lamang produkto ng sining at kasanayan, kundi simbolo rin ng tradisyon at buhay ng komunidad.

 

Hindi lamang simpleng halaman ang kawayan sa San Carlos. Ito ay tunay na nagiging tulay sa pag-angat ng kabuhayan hindi lamang sa lungsod, kundi pati na rin sa ibang mga bayan. Sa bawat hibla ng kawayan, nakasalalay ang pag-asa ng mga pamilyang umaasam ng mas magandang bukas. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments