Pinapabawi ng Senado sa Department of Agriculture (DA) ang ban sa pagbebenta ng pink salmon at pampano sa mga palengke.
Apela ni Senator Grace Poe, bawiin ng ahensya ang ban habang pinagaaralan ang usapin tungkol dito.
Iginiit ni Poe na mismong ang mga consumers na ang nananawagan na i-lift o alisin ang administrative order na naguutos na ipagbawal ang pagbebenta ng mga nabanggit na imported na isda sa mga wet market.
Bukod sa wala aniyang basehan para sa implementasyon ng AO, isa rin aniyang kalupitan ang biglang pagpapatupad ng isang kautusan partikular na sa mga pamilyang humahanap ng abot-kayang presyo ng pagkain para sa pagdiriwang ng kapaskuhan.
Kinwestyon ni Poe na kung ang galunggong at tilapia na dapat sana ay sagana ang bansa ay inaangkat pa rin dahil hindi sapat sa suplay, ikalulugi ba raw ng mga mangingisda ang importasyon ng pink salmon na wala naman sa Pilipinas.