Mananatili ang temporary ban ng chicken imports mula Brazil hangga’t hindi napapatunayan ng Agriculture Agency ng naturang bansa na ligtas na sa COVID-19 incidents ang kanilang mga meat establishments.
Sa virtual presser ng Department of Agriculture (DA), sinabi ni Dr. Reildrin Morales, Director ng National Meat Inspection Service na lumiham na ang Bureau of Animal Industry sa kanilang mga katapat sa Brazil upang hilingin na magsumite ng mga sumusunod na dokumento:
• Listahan ng mga foreign meat establishments na napaulat na nagka-COVID-19 ang kanilang mga manggagawa noong March 2020;
• Kopya ng inisyung national guidelines hinggil sa control and prevention ng COVID-19 cases sakaling nagbalik-operasyon na ang mga naturang meat establishments,
• Patunay ng ginawang massive testing at ipinaiiral na mga protocols sa pag-monitor sa mga meat facilities; at
• Revised guidelines sa production, packaging at storage ng poultry Mechanically Deboned Meat (MDM).
Sa kasalukuyan ay pumapangalawa ang Brazil sa mga bansa sa buong mundo sa may pinakamaraming bilang ng COVID-19.
20 percent ng poultry meat imports ng Pilipinas ay nanggagaling sa Brazil, habang ang iba ay galing sa US at Europe.