Hindi sinang-ayunan ng Palasyo ang sinasabi ng ilang senador na kapalpakan ng Inter-Agency Task Force (IATF) kung kaya’t napapanahon na para ito ay i-overhaul.
Reaksyon ito ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque sa naging pahayag ni Senator Imee Marcos kung saan kinuwestyon pa ang mga nagawa ng IATF sa nakalipas na isang taon magmula nang magpatupad ng community quarantine.
Ayon kay Roque, maraming nagawa ang IATF tulad ng pagtatayo ng mga isolation facilities, pagpapaigting sa contact tracing at agarang pagtugon sa may mga sintomas kung kaya’t hindi na ito nauwi sa severe case.
Binigyang diin pa ng kalihim na base sa pandaigdigang status, nasa ika-30 pwesto ang bansa pagdating sa mga kaso ng COVID-19 habang nasa ika-67 naman pagdating sa case fatalities.
Samantala, pinalagan din ng Malacañang ang naging pahayag ni Senator Joel Villanueva na “back to square one” tayo pagdating sa COVID-19 response.
Ani Roque, sa nakalipas na isang taon, maraming natutunan hindi lamang ang pamahalaan kung hindi ang sambayanang Pilipino kung paano labanan at mamuhay kasama ang virus upang patuloy pa ring makapaghanapbuhay.