Banco De Oro at Bank of the Philippine Islands, tiniyak na walang nangyaring hacking kasunod ng mga insidente ng aberya ng kanilang mga ATM

Manila, Philippines – Tiniyak ng Banco De Oro (BDO) at Bank of the Philippine Islands na walang nangyayaring hacking kaugnay ng mga insidente ng unauthorized withdrawals at atm skimming.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Finance at Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies kahapon, ayon kay Ramon Jocson, Executive Vice President ng BPI – nagkamali ang kanilang programmer kaya’t nagkaruon ng aberya sa kanilang computer system.

Sinabi naman ni BDO Transaction Banking Group Senior Vice President Thomas Mendoza – skimming fraud ang naranasan ng kanilang pitong atm machines sa tatlong magkakahiwalay na lugar ang apektado.


Sa pamamagitan ng mga skimming device, kayang basahin ang data ng mga ATM card ng hindi nalalaman ng cardholder.

Nakahanap na rin aniya ng paraan ang mga kawatan para makuha ang mga pin code kahit may mga takip ang mga keypad.

Nanindigan ngayon si Senador Francis Escudero na anumang aberyang mangyayari sa mga ATM ay dapat mapanagot ang mga bangko.

Samantala, inabisuhan na ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang lahat ng mga bangko na hanggang 2018 ang deadline para palitan ang mga lumang ATM card sa bagong Europay, MasterCard and Visa o EMV chip system.

Facebook Comments