Bangayan ng mga kongresista patungkol sa speakership, tumitindi

Lumalala na rin ang bangayan ng mga kongresistang kampi kay House Speaker Alan Peter Cayetano at Speaker-in-waiting Marinduque Representative Lord Allan Velasco dahil sa lumutang na kudeta sa speakership.

Naunang iginiit dito ni Oriental Mindoro Rep. Doy Leachon kay Deputy Speaker at Camarines Sur Rep. Luis Ray Villafuerte na pangalanan ang mga kongresistang sinasabing inalok umano ni Velasco ng Committee Chairmanship at budget at kung hindi naman ay manahimik na lamang ito.

Giit ni Villafuerte, hindi siya mapapatigil sa pagsasalita para depensahan ang liderato ng Kamara dahil lamang sa mga direktang pag-atakeng ginagawa sa kanya ng mga kapwa kongresista na nasa panig ni Velasco.


Totoo, aniya, ang nabunyag at naudlot na kudeta kay Speaker Cayetano gayundin ang 20 mga kongresista na inalok ng posisyon at pondo ni Velasco sa oras na ito na ang maupong Speaker.

Aniya, mismong si Cayetano ang bumasag sa planong kudeta sa kanya dahil sa mga nakausap na kongresista na inalok ni Velasco.

Kung itinatanggi ito ni Leachon ay mistulang sinasabi rin niya na sinungaling si Speaker Cayetano.

Umaasa na lamang si Villafuerte na hahayaan ni Velasco ang mga kongresista na magdesisyon sa kapalaran ng term-sharing sa pagitan nila ni Cayetano.

Facebook Comments