Bangayan sa pagitan ng mga senador at kongresista, matitigil lang kung ihihinto na ang pekeng People’s Initiative – Sen. Gatchalian

 

Naniniwala si Senator Sherwin Gatchalian na hihinto ang hidwaan sa pagitan ng mga senador at mga kongresista kung titigil na ang People’s Initiative (PI).

Ito ang tugon ng mambabatas sa panawagan ng mga kongresista na itigil na ang imbestigasyon ng Senado sa pekeng People’s Initiative dahil ito ay mistula nang ‘witch hunt’ at pagsasayang ng oras.

Giit ni Gatchalian, ang pekeng People’s Initiative talaga ang puno’t dulo ng bangayan sa pagitan ng mga mambabatas sa dalawang kapulungan ng Kongreso.


Sinabi ng senador na wala naman talagang gulo noong umpisa pero pumalag lang ang Senado sa hindi pagtupad ng mga kongresista sa pagsunod sa ‘checks and balance’ at sa halip tatanggalan pa ng poder ang Mataas na Kapulungan sa pamamagitan ng People’s Initiative.

Aniya pa, wala ring ginawang panghihimasok ang mga senador dahil malinaw naman sa mga ipinatawag na resource persons sa imbestigasyon na pangalan ng mga kongresista ang binabanggit na nag-utos sa pangangalap ng pirma para rito.

Depensa ni Gatchalian, ang pagsisiyasat ay ‘inherent function’ ng Senado at trabaho nila na imbestigahan kung may bayaran at korapsiyon sa pagkuha ng lagda ng mga tao at dapat na igalang ng mga kongresista ang interparliamentary courtesy.

Facebook Comments