
Dalawang rider ang nasugatan matapos magbanggaan ang isang electric bike at motorsiklo bandang alas-5:30 ng hapon noong Pebrero 1, 2026 sa San Fabian, Pangasinan.
Ayon sa paunang imbestigasyon, isang electric bike mula Mangaldan, Pangasinan ang nakaparada sa gilid ng kalsada nang masagi ng paparating na itim na motorsiklo.
Ang driver ng e-bike ay may hawak na driver’s license ngunit hindi nakasuot ng helmet sa oras ng insidente. Samantala, ang 19-anyos na driver ng motorsiklo, isang construction worker mula San Jacinto, Pangasinan, ay walang lisensya, walang suot na helmet, at ang minamanehong motorsiklo ay walang plakang nakakabit.
Dahil sa banggaan, kapwa nagtamo ng mga pinsala sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan ang dalawang rider. Agad silang dinala sa pagamutan upang mabigyan ng agarang medikal na atensyon.
Nagkaroon din ng pinsala ang dalawang sasakyan na sangkot sa insidente, habang patuloy pang tinutukoy ang kabuuang halaga ng gastos sa pagkukumpuni. Sa kasalukuyan, ang mga sasakyan ay nasa kustodiya ng San Fabian Municipal Police Station para sa tamang disposisyon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










