Banggaan ng Motorsiklo at Forward truck sa Nueva Vizcaya, 2-Patay!

*Bambang, Nueva Vizcaya**- *Patay ang dalawang lalaki sa naganap na banggaan ng motorsiklo at Truck kamakailan sa pambansang lansangan ng Brgy. Macate Bambang, Nueva Vizcaya.

Kinilala ang dalawang nasawi at tsuper ng motorsiklo na si Bjorn Jann Rasos, 28 anyos, binata, karpentero, residente at back rider nito na si Abelardo Bongalon Jr, 23 anyos, binata at kapwa residente ng Bintawan, Villa Verde habang ang suspek at driver naman ng forward truck ay si Marlon Tadeo, 21 anyos, walang asawa at nakatira sa Brgy. Rosario, Santiago City.

Batay sa nakuhang impormasyon ng RMN Cauayan, magkasalungat na binabaybay nina Rasos at Tadeo ang nasabing lansangan nang mag-overtake sa sinusundang trailer truck si Rasos.


Habang nag-o-overtake si Rasos ay hindi napansin ang paparating na Truck na nagresulta sa kanilang salpukan.

Sinubukan pa umanong umiwas ang driver ng truck subalit sumemplang na ang motorsiklo ni Rasos.

Nagtamo ng malalalim na sugat sa iba’t-ibang bahagi sa katawan ang dalawang sakay ng motorsiklo na isinugod naman sa pagamutan subalit binawian din ng kanilang buhay.

Dinala naman sa PNP Bambang ang driver ng truck maging ang motorsiklo para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Facebook Comments