Banggaan ng Motorsiklo at Sasakyan, Isa Patay!

*San Mateo, Isabela-* Patay ang isang motorista matapos salpukin ng sasakyan pasado alas syete kagabi sa pambansang lansangan ng Brgy. Villa Magat, San Mateo, Isabela.

Kinilala ang nasawing biktima at driver ng Yamaha NMAX na si Xyrex Florentin, 30 anyos, may-asawa, residente ng Brgy 4, San Mateo, Isabela habang ang suspek at driver ng Land Cruiser na may plakang THW929 ay si Angelito Dumlao, 44 anyos, may-asawa at residente naman ng Brgy. Villa Magat, San Mateo, Isabela.

Batay sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan mula sa Isabela Police Provincial Office (IPPO), parehong binabagtas ng motorsiklo at sasakyan ang lansangan patungong north direction sa bayan ng Cabatuan nang mag-overtake sa isang Elf truck si Florentin at sumunod rin na nag-overtake sa sinusundang tricycle si Dumlao kaya’t hindi nito napansin ang motorsiklo na nasa kabilang linya rin.


Agad na nasalpok ng sasakyan ang motorsiklo na diretsong tumilapon at nahulog sa drainage canal.

Isinugod naman sa pagamutan ang driver ng motorsiklo subalit namatay rin habang nilalapatan ng lunas.

Hindi naman nasugatan ang driver ng sasakyan maging ang mga sakay nito at boluntaryong sumuko ang suspek sa himpilan ng pulisya.

Inihahanda na ng PNP San Mateo ang kaukulang kaso na isasampa laban sa suspek.

Facebook Comments