Banggaan ng motorsiklo at tricycle, 3 sugatan!

*Cabatuan, Isabela-* Sugatan ang tatlong katao na sakay ng motorsiklo at tricycle matapos magbanggaan sa pambansang lansangan ng Brgy. Magdalena, Cabatuan, Isabela.

Kinilala ang biktima at driver ng Tricycle na si Jonel Bulan, 36 anyos, mekaniko, residente ng Brgy. Magdalena, Cabatuan, Isabela habang ang suspek at drayber ng motorsiklo na si Mario Lito Cariaga, 22 anyos, butcher, residente naman ng Brgy. San Andres, Cabatuan, Isabela.

Batay sa nakuhang impormasyon ng RMN Cauayan, habang binabaybay ni Bulan ang nasabing lansangan patungong Poblacion ay nabangga ito sa kaliwang bahagi ng kanyang tricycle ng sumusunod na motorsiklo ni Cariaga.


Nagtamo ng sugat sa katawan ang dalawang tsuper maging ang backrider ni Cariaga na si Jonathan Mones dahil sa impak ng banggaan.

Dinala sa pagamutan ang tatlong nasangkot para sa kanilang karampatang lunas.

Inihahanda naman ng PNP Cabatuan ang kasong isasampa laban sa suspek.

Facebook Comments