Natunton na ng mga otoridad ang motorized banca na ginamit noong dinukot ang American vlogger na si Elliot Eastman.
Ayon kay Philippine National Police Public Information Officer (PNP-PIO) Chief Brigadier General Jean Fajardo, pinalitan pa ito ng kulay ng mga suspek para maitago ang krimen.
Sinabi rin ni Fajardo na tuloy-tuloy ang ginagawang paghahanap ng magkatuwang na pwersa ng PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga labi ni Eastman na sinasabing hinulog sa dagat.
Si Eastman ay nagtamo ng dalawang tama ng bala ng baril sa kaniyang katawan bago bawian ng buhay at inihulog sa dagat ng mga suspek.
Sinasabing namatay ang dayuhan noong October 17, 2024 araw kung kailan siya dinukot ng mga armadong kalalakihan.
Matatandaang hawak na ng Pambansang Pulisya ang tatlong indibidwal na may direktang kinalaman sa pagdukot kay Eastman.
Habang nasawi naman sa engkwentro noong Nobyembre ang tatlong Persons of Interest (POI) sa kaso na pawang mga kasapi ng kidnap for ransom group.