
Kinumpirma ng Philippine Navy na isang bangkang pangisda ng Pilipinas ang hinaras ng Chinese Coast Guard (CCG) at isang People’s Liberation Army (PLA) Navy ship sa bahagi ng Bajo de Masinloc.
Sa pulong-balitaan sa Camp Aguinaldo, sinabi ni Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad na naganap ang insidente kahapon habang patungo sana sa kanilang fishing ground ang nasabing bangkang pangisda.
Ayon sa ulat, nilapitan ng dalawang Chinese vessels ang bangkang Pilipino at hinarangan umano ang daanan nito.
Batay sa salaysay ng mga mangingisda, inikutan pa ng Chinese Coast Guard ang kanilang bangka upang pilitin silang lumayo sa lugar.
Wala namang naitalang nasugatan sa nasabing insidente.
Agad namang rumesponde ang Philippine Coast Guard upang magbigay ng tulong at assistance sa mga mangingisda.
Ayon pa kay Trinidad, ito ang unang naitalang insidente ng harassment sa West Philippine Sea ngayong taon.








