
Panibagong insidente ng pangha-harass ng mga barko ng China laban sa mga Pilipinong mangingisda ang naitala sa West Philippine Sea.
Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, isang bangkang pangisda ng Pilipinas ang pilit na hinarangan at hinaras ng mga barko ng Chinese Coast Guard (CCG) at People’s Liberation Army Navy (PLA-Navy) habang patungo sa Bajo de Masinloc.
Nakalapit umano hanggang 30 metro ang mga barko ng China sa bangkang pangisda habang hinaharangan ang daraanan nito.
Dahil dito, napilitan ang kapitan ng bangka na umiwas at magpalit ng direksiyon, subalit sinundan pa rin ito ng barko ng CCG.
Agad namang rumesponde ang PCG upang magbigay ng tulong sa FFB Prinxe LJ, na patungo sana sa pangingisda sa Bajo de Masinloc nang lapitan ng mga dayuhang barko.
Binigyan din ng paunang tulong medikal ang kapitan at kinuhaan ng salaysay kaugnay ng insidente bago ito bumalik sa bangka at ipagpatuloy ang biyahe.
Muli namang tiniyak ng PCG na patuloy nilang poprotektahan ang kaligtasan at karapatan ng mga Pilipinong mangingisda, alinsunod sa soberanya at karapatan ng Pilipinas sa nasasakupang karagatan.









