Bangkay na Ibinalot sa Tolda, Natagpuan sa Isang Irigasyon!

Santiago City, Isabela- Isang bangkay ng hindi pa nakikilalang lalaki ang natagpuan alas nuwebe ng umaga ngayong araw Enero 18, 2018 sa isang irigasyon sa Brgy. Nabuan, Santiago City, Isabela.

Ayon sa imbestigasyon ng Station 1 PNP Santiago City, nadiskubre ng residenteng si Ericson Mabini ang nasabing bangkay matapos nitong mapansin ang isang naaanod na tolda sa irigasyon.

Nang kanyang buksan ang naturang tolda, natuklasan niyang bangkay ng isang lalaki ang nakabalot dito.


Nakasuot ng kulay gray na short pants, orange stripe na polo shirt, nasa edad singkwenta mahigit, nasa mahigit limang talampakan ang taas, may kapayatan ang pangangatawan at walang buhok sa ulo ang natagpuang bangkay.

Napag-alaman din ng pulisya na may dalawa itong taga sa ulo maging sa kanyang kaliwang kamay na maaaring naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Nasa La Familia Funeral Services na ngayon ang bangkay at kasalukuyan namang iniimbestigahan ng pulisya ang nasabing pangyayari upang matukoy kung sino ang biktima.

Nananawagan naman ang tanggapan ng pulisya na ipagbigay alam sa kanilang tanggapan kung may nakakakilala sa nasabing bangkay.


Facebook Comments