BANGKAY NA ITINALI SA ILALIM NG IRIGASYON, NAREKOBER

Cauayan City, Isabela- Kasalukuyan pa ring inaalam ng kapulisan ang pagkakakilanlan ng isang bangkay ng lalaki na narekober mula sa irigasyon na sakop ng Brgy. Malalinta, San Manuel, Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PMaj Sunny Longboy, hepe ng San Manuel Police Station, hindi pa aniya nila tukoy ang pangalan ng kanilang natagpuang bangkay na naiahon mula sa irigasyon kahapon dahil na rin sa ito ay nasa state of decomposition o naaagnas na.

Narekober ang bangkay na mayroong packing tape sa bungana, nakatali ang mga paa sa sako na may lamang mga bato at may tali rin ang katawan na may kasamang malaking bato.

Ito ay may taas na 5 feet at 5 inches; maiksi ang buhok; katamtaman ang pangangatawan, may braces sa taas at baba ng ngipin; may hikaw sa kanang tenga at nakasuot ng kulay green na underwear.

Sa imbestigasyon naman ng SOCO, may sugat sa ulo ang biktima na posibleng pinukpuk ng matigas na bagay na nakikitang sanhi ng kanyang pagkamatay.

Tinatayang nasa tatlo hanggang limang araw na rin na patay ang biktima.

Nakikipag-ugnayan na rin ang kapulisan sa mga establisyimento na malapit sa pinagkunahanan ng bangkay ng biktima para sa kanilang karagdagang pagsisiyasat.

Samantala, ililibing din ngayong araw sa public cemetery ng San Manuel ang narekober na bangkay.

Facebook Comments