Bangkay na Naagnas, Natagpuan

Enrile, Cagayan – Isang naagnas na bangkay ang natagpuan sa pampang ng Cagayan River sa Barangay 2, Enrile, Cagayan.

Ayon sa nakalap na impormasyon ng 98.5 DWKD RMN Cauayan News Team mula sa PNP Enrile, Cagayan kasabay ng panayam na ginawa kay PCI Edwin Pagulayan Aragon, hepe ng naturang bayan ay napag alaman na nakita ang bangkay na lumulutang sa Ilog Cagayan bandang 12:40 ng hapon ng Setyembre 17, 2017.

Ayon sa PNP Enrile, Cagayan, ang bangkay ng babae ay may katamtamang pangangatawan, may tangkad na 5’2”, hanggang balikat na buhok, edad 30-40 anyos at may tattoo na “rlea” sa kaliwang bahagi ng likuran.


Sa pagsusuri na ginawa ni Enrile Municipal Health Officer Dr Ricardo Edgardo, nakitaan ang biktima ng tatlong saksak sa katawan at dalawang saksak sa kamay.

Sinabi pa ng hepe na ang bangkay ay natagpuang nakabalot ng packaging tape ang buong ulo pababa hanggang leeg nang ito ay natagpuan.

Kasalukuyan pa rin ang imbestigasyon ng PNP Enrile ang kaso at hanggang ngayon ay wala pang kumikilala sa naturang bangkay na kasalukuyang nakalagak sa Funeraria Carbonnel Buntun, Tuguegarao City.

Facebook Comments