Bangkay na Narekober sa Isang Ilog sa Bambang, Nueva Vizcaya, Kinilala ng Misis dahil sa Bulitas Nito!

*NUEVA VIZCAYA*- Kinilala na ng mismong asawa ang isang bangkay na lalaki na narekober ng kapulisan noong September 17, 2018 sa Matuno River, Purok 4, Brgy Manamtam, Bambang, Nueva Vizcaya.

Nakilala ang biktima na si Leonardo Cariño y Bayeng, 32 anyos, isang magsasaka, at residente ng Brgy. Tawangan, Kabayan, Benguet.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay Pol. Chief Inspector Villegas Claveria, ang hepe ng PNP Bambang na mismong asawa ng biktima ang kumilala sa bangkay nito na si Mrs. Melanie Cariño dahil umano sa tahi sa kanyang kaliwang hinlalaki at bulitas nito sa pribadong parte ng katawan ng kanyang asawa.


Ayon sa hepe, nagpaalam umano ang biktima sa kanyang asawa noong ika-walo ng Septyembre na makikilamay sa kanyang kamag-anak sa Brgy. Ambaguio, Nueva Vizcaya kasama ang kanyang pinsan na si Patricio Alecnas.

Kasagsagan umano ng bagyong Ompong nang umuwi ang biktima kasama ang kanyang pinsan at dumaan ang mga ito sa ilog na posible naman umanong natangay ng malakas na agos ng tubig ang biktima dahil nakainom rin umano ito ng alak.

Tumanggi naman umanong ipa-autopsy ng asawa ang bangkay ng biktima habang inaalam pa ng mga otoridad kung maituturing na casualty dahil sa bagyong Ompong ang pagkarekober sa bangkay ni Leonardo Cariño sa probinsya ng Nueva Vizcaya.

Facebook Comments