Bangkay na Natagpuan sa Cagayan, Nakilala Na

Tuguegarao City, Cagayan – Kinilala na ang natagpuang naagnas na bangkay sa Enrile, Cagayan na pinaghihinalaang biktima ng summary execution.

Ayon sa panayam ng RMN Cauayan News sa hipag ng biktima at dagdag na impormasyon mula sa RMN affiliate Radyo DZCV reporter na si Evangeline Malana, ang bangkay ay kinilala sa pangalang Rodessa Imbat, 29 anyos, may asawa, walang trabaho, may anak na dalawang taong gulang at residente ng Camia, North Caloocan, Metro Manila.

Nalaman ng mga kamag ang pagkakapadpad sa lalawigan ng Cagayan nang makita sa Internet ang balita tungkol sa nakitang bangkay na may tatoo na “rlea” sa likurang bahagi ng katawan.


Ikinuwento ni Nica Niegas, ang hipag ng biktima na umalis sa bahay si Rodessa noong Setyembre 13, 2017 papuntang San Jose Del Monte, Bulacan upang mag imbita ng kamag anak dahil kaarawan ng kanyang dalawang taong gulang na anak kinabukasan, Setyembre 14, 2017.

Subalit mula noon ay di na nakontak ang biktima at kanila pang ipinanawagan sa mga radyo sa Metro Manila ang noon ay nawawala nilang kaanak.

Agad nilang pinuntahan ang Tuguegarao City kung saan pansamantalang inilagak ang bangkay.

Positibong kinilala ng kapatid ang labi at labis ang kanilang hinagpis sa kinahinatnan ng biktima. Palaisipian sa kanila kung bakit pinatay ito at paano napadpad sa Ilog Cagayan ang bangkay nito.

Kasalukuyang nasa Tuguegarao City si Ruben Imbat, ang kapatid ng biktima na may kasamang pulis Caloocan ngunit hindi muna nila maiuwi ang bangkay hanggang di nababayaran ang 35 libong piso na funeral services.

Magugunitang narekober ang lulutang lutang na bangkay ng isang babaeng may mga saksak sa katawan at balot ng tape ang buong ulo sa Cagayan River na sakop ng Barangay 2, Enrile, Cagayan noong Setyembre 17, 2017.

Facebook Comments