Bangkay ng 1 pang Sundalo na Nasawi rin sa Bakbakan sa Sulu, Naiuwi na sa Isabela!

Cauayan City, Isabela- Nakaburol na sa kanyang tahanan sa Brgy. San Jose, San Mariano, Isabela ang labi ni CPL Jeffrey Ayson na nasawi sa pakikipaglaban sa mga bandidong Abu Sayyaf noong gabi ng April 22, 2020 sa Brgy. Latih, Patikul, Sulu.

Sa ibinahaging impormasyon ni Army Major Noriel Tayaban, pinuno ng Divisions Public Affairs Office ng 5th ID, PA, binigyan muna ng arrival of honors sa covered court ng 5ID si Cpl Ayson sa pangunguna ng Commanding General MGen. Pablo Lorenzo bago iniuwi sa kanilang lugar ngayong araw.

Si Cpl Ayson ay miyembro ng 45th Infantry Battalion sa ilalim ng 5ID na nakipagbakbakan ng halos 30 minuto sa hindi pa mabatid na bilang ng mga teroristang grupo na nagresulta sa kanyang pagkamatay.


Narekober naman sa pinangyarihan ng engkwento ang tatlong (3) bangkay ng mga hinihinalang nakasagupang Abu Sayyaf na nakilalang sina Guro Khalid, Udal Muhamadar Said, at si alias Budah.

Magugunitang 2 bangkay din ng Isabelinong sundalo mula sa 21st Infantry Battalion ang iniuwi sa Lalawigan kasama ang 3 pang nasawi sa engkwentro sa Sulu noong April 17, 2020 na taga probinsya ng Cagayan at Kalinga.

Facebook Comments