Bangkay ng 2 menor de edad na nalunod sa Cagayan River, Natagpuan na

150

Cauayan City, Isabela- Natagpuan na ang bangkay ng dalawang menor de edad biktima ng pagkalunod matapos tumaob ang bangka na kanilang sinasakyan sa Cagayan river na sakop ng Barangay Baringin Norte, Cauayan City, Isabela kahapon.

Nakilala ang mga biktima na sina Precious Calati, 12-anyos at Nerish Domingo na kapwa residente ng Brgy. Labinab, Cauayan City,Isabela.


Ayon kay JR Constante, tiyuhin ni Precious, hirap para sa kanilang pamilya ang maagang pagkawala ng kanilang kaanak dahil sa nangyaring insidente.

Bukod dito, natagpuan na rin pasado alas-7:00 ngayong umaga ang katawan ng isa pang biktima na si Nerish Domingo, 16 anyos at panganay sa apat na magkakapatid.

Ayon sa kanyang ama na si Edgar Domingo, nagpaalam ang kanyang anak na pupunta para magpicnic kasama ang kanyang mga kaibigan hanggang sa magresulta ng hindi inaasahang pangyayari.

Ikinuwento pa nito na ang madalas na pinupuntahan ng kanyang anak at barkada ay ang isang resort sa Brgy. Buena Suerte kaya di naman nito inasahan na sa ilog pala magtutungo ang kaniyang anak.




Matatandaang biktima rin ng pagkalunod ang pangalawang kapatid ni Nerish taong 2017 sa Cagayan river na sakop naman ng Barangay Duminit sa nasabing lungsod.

Patuloy naman na pinaghahanap ng mga otoridad ang isa pa nilang kasamahan na pinaniniwalaang nalunod din habang maswerte namang nakaligtas ang isa pa nilang kasamahan.


Facebook Comments