Bangkay ng babae, natagpuan sa isang tricycle sa Nueva Ecija

439

Patay na nang matagpuan ang 40-anyos na ginang sa loob ng isang tricycle mismo ng kanyang asawa sa San Antonio, Nueva Ecija.

Kinilala ang biktima na si Rosalinda Cortez, misis ni Mario Cortez na sinasabing suspek sa pagkamatay nito.

Ayon sa report ng San Antonio Police, umuwi raw si Mario sa kanilang bahay bitbit ang kanyang tricycle habang nasa loob ang labi ng kanyang asawa.


Bagama’t mariin nitong itinatanggi ang ginawang krimen, lumalabas sa imbestigasyon na sila raw ang magkasama nang huling makitang buhay ang biktima.

Lumabas daw ang dalawa para magtungo sa bangko ngunit mag-isa na lang daw si Mario na bumalik sa kanilang bahay.

Samantala, mula naman sa pahayag ng mga kaanak ng biktima ay madalas daw mag-away ang dalawa.



Bakas din ang pananakal na ginawa ng suspek sa biktima ayon sa karagdagang impormasyon ng mga pulis.

Humaharap sa reklamong parricide si Mario na agad namang dinakip habang hinihintay ang awtopsiya ng bangkay.


Facebook Comments