BANGKAY NG BINATANG SANGKOT SA PAGKAHULOG NG SASAKYAN SA BANGIN SA MOUNTAIN PROVINCE, NATAGPUAN NA

Ipinagluluksa ngayon ng pamilya ni Carlo Ancheta, isang binata mula sa Tayug, Pangasinan, ang kaniyang biglaang pagpanaw matapos matagpuang wala nang buhay sa Chico River sa Tocucan, Bontoc, Mountain Province nitong Oktubre 28, 2025.

Natagpuan si Ancheta ng isang residente ng Tocucan na boluntaryong tumulong sa search and retrieval operations, makaraang mahulog sa bangin ang sinasakyan nilang elf truck.

Ang kaniyang katawan ay nadiskubre ilang metro ang layo mula sa lumubog na sasakyan na kaniyang sinasakyan kasama ang apat na kasamahan.

Matinding hamon ang retrieval dahil kinailangang sumisid ng mga diver sa ilalim ng malakas na agos ng ilog at gumamit ng mga lubid upang maiangat ang katawan mula sa bangin na tinatayang may lalim na 150 hanggang 170 metro.

Kahapon ay natagpuan na ang labi ng tatlo sa mga kasamahan ni Ancheta na nasangkot sa aksidente, habang patuloy pa rin ang isinasagawang paghahanap sa isa pa nilang nawawala. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments