Saturday, January 24, 2026

BANGKAY NG BINATILYONG NALUNOD SA ANGALACAN RIVER SA MANGALDAN, NATAGPUAN NA

Natagpuan na noong Lunes ng umaga, Disyembre 15, ang bangkay ng binatilyong nalunod sa Angalacan River sa Mangaldan, Pangasinan matapos ang isinagawang retrieval operation ng mga awtoridad.

Ayon sa ulat ng pulisya, isang walang buhay na katawan ang namataan sa bahagi ng ilog sa Barangay Casibong, San Jacinto kung saan agad na rumesponde ang mga tauhan ng MDRRMO at iba pang ahensya.

Positibong kinilala ng mga magulang ang bangkay bilang ang nawawalang 17-anyos na residente ng Barangay Gueguesangen, Mangaldan na isa sa mga biktima sa insidente noong Disyembre 13.

Dinala ang katawan sa RHU-Mangaldan kung saan ito idineklarang patay.

Sa panayam ng IFM Dagupan, nagpahayag ng matinding lungkot ang ina ng isa sa mga biktima sa sinapit ng kanyang anak.

Matatandaang noong Disyembre 13, bandang tanghali, nagtungo umano sa ilog ang mga biktima at nagsimulang maligo sa Angalacan River.

Ayon sa mga saksi, nakita ang mga kabataan na lumangoy patungo sa gitna ng ilog at una’y inakalang naglalaro lamang hanggang sa humingi na umano sila ng saklolo.

Agad umanong rumesponde ang mga saksi at nasagip ang dalawang biktima.

Isa sa mga ito ang nawalan ng malay at isinugod sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival bandang hapon ng parehong araw.

Facebook Comments