
Nakuha na ng retrieval team ng mga nagtutulungang rescue unit sa Zamboanga del Norte ang dalawang indibidwal na nawala matapos matabunan ng gumuhong lupa sa Purok 3, Barangay Ubay, sa bayan ng Labason, Zamboanga del Norte.
Naganap ang pagguho ng lupa noong Miyerkules ng hapon, Setyembre 3, dulot ng tuluy-tuloy na pagbuhos ng malakas na ulan sa nabanggit na lugar.
Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office o MDRRMO – Labason, ang unang biktima ay nakuha ng search and retrieval team kahapon ng umaga, Setyembre 5, at ang isa ay nahukay pasado ala-1:00 ng hapon.
Ang trahedya ay nagdulot din ng malaking danyos sa lugar, kung saan maraming mga puno ng niyog, kahoy, saging, at iba pang mga pananim ang nasira.
Nabatid na ang mga biktima ay nagkopra umano ng niyog sa lugar nang naganap ang biglaang pagguho ng lupa.









