BANGKAY NG ISANG BINATA NA TUMALON SA BUNTUN BRIDGE, NAREKOBER NA

Cauayan City,Isabela- Natagpuan na ang bangkay ng isang binata pasado alas-onse kahapon, March 16,2022 sa Ilog Cagayan na bahagi ng Barangay Bayo, Iguig Cagayan.

Ayon sa PNP, kinilala ang biktima na si Jhon Kevin Guzman, 21-anyos na residente ng Caritan, Tuguegarao city, na sinasabing nagpakamatay matapos tumalon sa Buntun bridge.

Mismong ang nakatatandang kapatid nito ang nagkumpirma sa natagpuang katawan sa ilog.

Matatandaan na noong martes, ikinwento ng kaibigan ng biktima na si Don Rafael Balao sa pulisya na pasado alas dose ng madaling araw ng makausap niya sa selpon si Guzman na umiiyak at ramdam na mayroong mabigat itong problema kaya’t agad niyang tinanong ang kinaroonan nito na kaagad namang sinagot ng biktima na nakaupo siya sa railings ng tulay.

Dahil dito, dali-daling tinawagan ni Balao ang kasintahan at pamilya ng biktima maging ang mga otoridad.

Agad namang nagtungo ang kaanak ng biktima sa lugar at nagawa pang makapag-usap ang biktima at kanyang ama subalit ilang saglit ng kanilang pag-uusap ay biglang tumalon ang biktima sa tulay na siyang sanhi ng kanyang pagkamatay.

Hindi naman malinaw sa pamilya kung ano ang ugat sa ginawang pagtalon ng kanilang mahal sa buhay.

Facebook Comments