Bangkay ng Isang Lalaki na Nalunod sa Ilog Cagayan, Narekober sa Bayan ng Echague!

208

Cauayan City, Isabela- Sa patuloy na retrieval operation ng mga rescuers ay narekober na rin ang bangkay ng isang lalaki na nalunod noong Mayo 16, 2020 sa ilog Cagayan sa Brgy. Villa Victoria, Echague, Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PMaj. Michael Esteban, hepe ng PNP Echague, natagpuan din sa ilog malapit sa barangay Villa Victoria dakong alas 7:00 ng umaga kahapon ang bangkay ng biktimang si Rex Ferndez, 20 anyos, trabahador at residente rin sa nabanggit na lugar.


Ayon kay PMaj Esteban, lumabas sa kanilang imbestigasyon base na rin sa pahayag ng kanilang Kapitan na habang tumatawid sa ilog ang biktima kasama ang dalawa pa ay biglang lumaki ang lebel ng tubig at dahil sa malakas ng agos ng tubig ay lumubog ang kanilang sinasakyang bangka.

Nakaligtas sa trahedya ang dalawang kasama at kabarangay na sina Gody Ferndez, 33 anyos, walang asawa, laborer at Fernando Guiang, 40 anyos, may-asawa, isang magsasaka habang ang biktima ay hindi na nasagip matapos itong tangayin ng rumaragasang tubig.

Nilinaw naman ng Hepe na hindi nakainom ng alak ang mga sakay ng bangka nang mangyari ang di inaasahang insidente.

Facebook Comments