Natagpuan ang bangkay ng isang lalaki sa Barangay Balagan, Binmaley matapos ang isinagawang search and retrieval operation ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) kahapon.
Ayon sa ulat, iniulat ang pagkawala ng biktima matapos itong malunod sa isang fishpond na matatagpuan malapit sa ilog sa nasabing barangay. Agad na rumesponde ang MDRRMO at isinagawa ang aktwal na paghahanap. Matapos ang ilang minutong operasyon, matagumpay na narekober ang katawan ng biktima.
Bagama’t hindi pa inilalabas ang pagkakakilanlan ng nasawing lalaki habang hinihintay ang opisyal na beripikasyon mula sa mga kaanak, patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad ukol sa mga detalye ng insidente.
Muling pinaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na mag-ingat, lalo na sa mga lugar na malapit sa tubig gaya ng ilog at fishpond. Ipinapayo rin na iwasan ang paglalakad, pagligo, o pagtambay sa mga delikadong lugar, lalo na kung mag-isa. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









