Bangkay ng Lalaki na may Tama ng Bala ng Baril, Natagpuan sa Maisan!

Cauayan City, Isabela- Patay na nang matagpuan ang isang lalaki partikular sa maisan sa bahagi ng Brgy Bungad, San Pablo, Isabela.

Kinilala ang biktima na si Marlon Panao, 59 anyos, may-asawa, magsasaka at residente ng Brgy. Minanga Norte, San Pablo, Isabela.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, personal na nagtungo sa himpilan ng pulisya ang anak ng biktima na si Rocky Panao upang iulat ang nangyari sa kanyang ama.


Dakong alas 7:00 ng umaga, Pebrero 3, 2020, umalis ang biktima sa kanilang bahay at nagtungo ito sa kanilang maisan.

Alas 5:00 ng hapon nang siya’y hanapin ng kanyang babaeng anak dahil hindi siya nito sinundo sa pinapasukang Unibersidad sa bayan ng Cabagan.

Dito na nagtungo sa maisan si Ricky kasama ang kanyang bayaw upang hanapin ang biktima at nadatnan na lamang ng mga ito sa maisan ang nakahandusay na katawan ng biktima na may tama ng bala ng baril sa katawan.

Patuloy ngayon ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa naturang insidente.

Facebook Comments