Bangkay ng Magsasaka, Natagpuang Palutang-lutang sa Irigasyon!

UPDATE: Quezon, Isabela- Isang bangkay ng magsasaka ang natagpuang palutang-lutang sa irigasyon ng Brgy Arellano, Quezon, Isabela.

Kinilala ang biktima na si Ramon Cuizon, 63 anyos, may asawa at residente ng Brgy Arellano, Quezon, Isabela.

Batay sa impormasyong nakuha ng 98.5 RMN Cauayan mula sa IPPO, bandang alas sais kaninang umaga ay nakatanggap ng impormasyon ang himpilan ng pulisya mula kay Brgy. Captain Oliver Loyosen ng Brgy. Lepanto kaugnay sa nakitang katawan ng isang lalaki na may suot na long sleeve na nakalutang sa isang irigasyon.


Sa pagresponde ng mga otoridad sa lugar ay nakita ang bangkay ng biktima na kalauna’y kinilala ng mga kamag-anak.

Napag-alaman ng mga otoridad na nagtamo ng mga taga sa mukha ang biktima na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Base sa kwento ng dalawang witness sa mga pulis, nagkaroon umano ng alitan ang biktima at suspek na si Edwin Seguin, 49 anyos, nakatira sa Sitio Talaca, Brgy. Lepanto, Quezon na nagresulta sa pananaga ng suspek sa biktima gamit ang isang itak.

Agad namang tinungo ng mga pulis ang lugar na tinutuluyan ng suspek na nagresulta sa pagkakaaresto nito.

Dinala na sa Quezon Police Station ang suspek at itak maging ang dalawang witness para sa karagdagang dokumentasyon habang dinala naman sa punerarya ang bangkay ng biktima para sa isailalim sa autopsy.

Facebook Comments