Bangkay ng mga napatay na Abu Sayyaf sa Sulu Sea, sinisikap na marekober ng AFP

Narekober na ng militar ang ilang bahagi ng lumubog na speedboat at maging ang ilang high-powered firearms ng 7 Abu Sayyaf terrorist na napatay kahapon sa Sulu Sea.

Pero, nagpapatuloy ang pagsisikap ng mga sundalo sa Sulu na marekober ang bangkay ng pitong Abu Sayyaf Group (ASG).

Ito ang inihayag ni Western Mindanao Command Commander Lt. Gen. Corleto Vinluan kasabay ng pagkumpirma na isa sa mga napatay na terorista ay ang bagong Emir ng Dawlah Islamiyah na si Mannul Sawadjaan alyas Abu Amara.


Pinalitan ni Mannul bilang Emir si Hatib Hajan Sawadjaan na una nang iniulat ng militar na napatay nitong Setyembre.

Napatay rin ng mga sundalo si Madsmar Sawadjaan, ang kapatid ng bomber na si Mundi Sawadjaan.

Sa ngayon, kinukumpirma pa ng militar kung may iba pang ASG leaders na kabilang sa mga napatay na terorista.

Sinabi pa ni Vinluan na ang matagumpay na operasyon kahapon ng madaling araw ay dahil sa impormasyon na ibinigay ng isang sibilyan hinggil sa pagdaong ng isang speedboat sa lalawigan sakay ang kahina-hinalang mga indibidwal.

Dito na ikinasa ng militar ang operasyon at ginamitan ng air and land interdiction, dahilan para ma-neutralize ang mataas na lider ng Abu Sayyaf Group.

Facebook Comments