Cauayan City, Isabela – Natagpuan na ang bangkay ng isang lalaking nalunod sa Purok 12 Villa Luna, Cauayan City, Isabela kahapon, April 18, 2021.
Sa tulong ng Tactical Operations Group 2 (TOG2) Valley Warriors ng Philippine Air Force (PAF), narekober ang mga labi ni Jhano Tanggalin, 48 years taong gulang ng nabanggit na lugar.
Batay sa eklusibong panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay John Mark Agustin, apo ng biktima, papunta sana ito sa kanyang kapatid sa Sinippil, Reina Mercedes dakong alas 12:30 ng tanghali.
Dahil sa walang bangka sa oras na iyon, nagpasya si Tanggalin na lumangoy na lamang ngunit napadpad ito sa may kalalimang bahagi ng ilog at doon ito nalunod.
Aminado ang apo ng biktima na nasa impluwensiya ito ng nakalalasing na inumin sa mga oras na iyon.
May nakakita umano mula sa kabilang pampang sa pangyayari na siyang sumigaw dahilan para makarating sa pamilya nito ang pangyayari ngunit isang oras na bago nila napuntahan.
Tumawag din sila ng tulong sa Rescue 922 ng Cauayan.
Nang makarating naman sa kaalaman ng TOG 2 ang insidente ay agad silang nagpadala ng Disaster Response Team (DRT) na binubuo ng walong katao para magsagawa ng retrieval operation.
Dakong 7:30 kaninang umaga ay nakita ang bangkay ni Tanggalin sa Alicaocao river na sakop ng P1, Villa Luna sa lungsod ng Cauayan.
Agad na ipinasakamay ng TOG 2 ang mga labi ng biktima sa kapamilya nito.