BANGKAY NG NAWAWALANG LOLO, NATAGPUAN SA ILOG

Cauayan City – Matapos ang tatlong araw na paghahanap, natagpuan na sa wakas ang isang lolo na napaulat na nawawala sa Baggao, Cagayan, subalit sa kasamaang palad ay isa na itong malamig na bangkay.

Ayon sa Baggao Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer na si Narciso Corpuz, natagpuan ang bangkay ng lolo sa Pared River na nasa bahagi ng Brgy. Taytay, Baggao Cagayan.

Ayon sa salaysay ng mga kaanak ng biktima, bago napaulat na nawawala ay posibleng lumabas ito noong madaling araw ng Sabado, ika-25 ng Oktubre at nagtungo sa ilog.


Ayon sa ulat, may nakita silang bakas ng pagkahulog sa ilog na maaaring naging sanhi ng pagkalunod ng biktima kaya naman kaagad na nagsagawa ng Search and Rescue Operation ang mga rescuer at hindi tumigil ang mga ito hanggang sa tuluyang matagpuan ang katawan ng lolo.

Samantala, napag-alaman naman na noong panahon na nangyari ang insidente ay mataas ng lebel ng tubig-ilog dahil sa nararanasang mga pag-ulan dulot ni bagyong Kristine.

Facebook Comments