Bangkay ng NPA na Narekober ng PNP San Guillermo, Inilibing na!

137

Cauayan City, Isabela- Nailibing na kaninang umaga ang isang bangkay na miyembro ng New People’s Army (NPA) na narekober ng kapulisan at kasundaluhan sa Brgy Colorado, San Guillermo, Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PLT George Dayag, OIC ng PNP San Guillermo, bandang alas 10:00 kaninang umaga nang mailibing ang bangkay sa public cemetery sa Brgy. Centro Uno ng nasabing bayan.


Aniya, nasa ‘decomposition stage’ na ang naturang bangkay na pinaniniwalaang pinabayaan at iniwan ng kanyang kasamahang rebelde matapos ang nangyaring engkwentro noong Oktubre 22, 2019 sa brgy. Burgos at San Mariano Norte sa bayan ng San Guillermo.

Tatlong araw na rin aniya na walang nag-claim na kapamilya sa naturang bangkay kaya’t kinakailangan na umano itong mailibing dahil na rin sa masangsang na amoy.

Dagdag pa ni PLT Dayag, patuloy pa rin ang pagbabantay ng kanyang tropa katuwang ang kasundaluhan sa kani-kanilang area upang mapanatili ang katahimikan sa lugar.

Facebook Comments