SANTIAGO CITY, Isabela – Isang walang-buhay na sanggol ang natagpuan habang palutang-lutang sa sapa sa Isabela noong Sabado, Enero 27.
Ayon sa dalawang nakakita sa bangkay, naliligo raw sila noon sa sapa sa Barangay Buenavista nang mapansin ang bata na nasa 11 pulgada na umano ang haba.
Agad nilang ipinagbigay-alam sa pulisya ang nangyari kung saan tumambad ang nakadapang sanggol na walang kahit anong saplot sa katawan.
Sabi ni Brgy. Tanod Andres Villanueva, “Ninerbiyos kami nang bahagya kasi first time naming makakita ng ganun. Nakadapa siya. Talagang buong-buo.”
Ayon sa mga rumispondeng pulis, buo ang parte ng katawan ng sanggol at hinihinalang bagong silang ito.
Maaari daw itinapon lang ang bata sa naturang sapa lalo pa’t tuloy-tuloy ang pag-agos ng tubig ayon naman kay PMaj. Reynaldo Maggay, station commander ng Santiago City Police office 1.
Patuloy ang imbestigasyon sa nangyari kasabay nang pagtugis sa mga magulang ng bata o kung sinuman ang nagtapon ng bangkay nito.
Kaugnay nito ay nabigay naman ng maayos na libing ang kaawa-awang sanggol.