Bangkay ng Traysikel Drayber, Natagpuan sa Isang Irigasyon sa Luna Isabela!

Luna, Isabela – Natagpuan ang palutang-lutang na bangkay ng isang lalaki kahapon ng umaga, June 24, 2018  sa Barangay Dadap, Luna, Isabela matapos paslangin ng hindi pa matukoy na mga suspek.

Ayon kay Police Senior Inspector Jeriyell Frogoso, hepe ng Luna Police Station na unang ipinaalam ng ilang opisyal ng naturang barangay sa kanilang himpilan ang nakitang bangkay ng lalaki sa kanal ng isang irigasyon sa nabanggit na barangay.

Sa pagresponde ng mga pulis ay kinilala ang biktima na si Delfin Sanglay Agustin, apatnapu’t  isang taong gulang, may asawa, isang traysikel drayber at residente ng Albano Street, Cauayan City.


Sa imbestigasyon ng PNP Luna at SOCO team ay nabatid na may saksak na dalawa sa likod, isa sa dibdib at leeg ang biktima.

Sinabi pa ni Police Senior Inspector Frogoso na maaring may pasahero si Agustin at posible umano na walang pera ang naging pasahero nito na naging sanhi ng krimen dahil nakita sa lugar ng pinagyarihan na nanlaban ang biktima.

Hindi rin umano hold-up ang motibo dahil hindi naman natangay ang pera at gamit ni Agustin.

Samantala mayroong  persons of interest na  ang kapulisan sa naturang krimen ngunit hindi pa umano maaring ilabas ito hanggang  hindi pa kumpleto ang nakuhang  impormasyon hinggil sa mga suspek..

Facebook Comments