Manila, Philippines – Sa pamamagitan ng paghahain ng Senate Resolution No. 451 ay iginiit ni Senator Leila de Lima sa kanyang mga kasamahang mambabatas na imbestigahan ang umanoy ‘bangkay sa bangka’ modus ng mga otoridad.
Basehan ng hakbang ni de Lima ang report ng Al Jazeera network na ang bangkay ng mga pinapaslang kaugnay sa war on drugs ng Duterte administration ay itinatapon lang sa Manila Bay.
Ayon kay de Lima, hindi dapat palagpasin ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Senator Panfilo “Ping” Lacson ang nabanggit na impormasyon.
Base sa report ng Al Jazeera, may mga mangingisda ang umamin na binabayaran sila ng mga pulis para isakay sa kanilang bangka ang mga bangkay at itapon sa Manila Bay.
Ayon kay de Lima, ang nabanggit na istilo ay kapareho ng kwento ni self-confessed Davao Death Squad o DDS member Edgar Matobato na pinapagawa sa kanila noon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanilang mga pinapatay.
Target din ng isinusulong na pagdinig ni de Lima na mabusisi kung kailangang amyendahan ang Presidential Decree No. 1829 o Penalizing Obstruction of Apprehension and Prosecution of Criminal Offenders pati ang mga polisiya ng Philippine National Police.
Dagdag pa ni de Lima, layunin din ng pagdinig na masilip kung nabibigyang garantiya ang karapatan ng mga suspek sa isinasagawang operasyon ng pambansang pulisya.
Diin ni de Lima, mali na umabuso ang mga otoridad dahil sa umiiral na impunity o kawalan ng mga ito ng pananagutan sa kanilang mga pagkakamali o paglabag sa batas at due process.