Manila, Philippines – Tiniyak ng Bangko Sentral ng Pilipinas na mahigpit nilang mino-monitor ang sunod-sunod na nagiging problema sa ilang bangko sa bansa.
Matapos kasing magkaroon ng internal system glitch ng Bank of the Philippine Island o BPI, ang Banco De Oro o BDO naman ngayon ang nagkaroon ng problema sa kanilang sistema.
Ayon kay BSP deputy Gov. Diwa Guinigundo, palagi rin naman nilang pinaaalalahanan ang mga bangko na doblehin ang kani-kanilang IT system.
Kaya naman sa darating na June 21 (Miyerkules), itinakda ni Senator Francis Escudero ang pagdinig sa naging problema sa sistema ng BPI at BDO.
Si Escudero ang Chairman ng Senate Committee on Banks na siyang magsasagawa ng pagdinig.
Ang imbestigasyon ay tugon ni Escudero sa resolusyon ni Senate President Koko Pimentel na imbestigahan ang naging dagdag bawas sa savings ng account holders ng BPI noong nakaraang linggo at ang unauthorized ATM withdrawal naman sa account ng ilang kliyente ng BDO kahapon.
Kabilang sa iimbitahan ni Senator Chiz sa pagdinig ay ang mga opsiyal ng BPI, BDO at Bangko Sentral ng Pilipinas.