Bangladeshi national na kalalapag lamang sa NAIA, arestado dahil sa kinakaharap na kaso at active warrant of arrest

Arestado ang isang lalaking Bangladeshi national na may kinakaharap na kaso paglapag nito sa Arrival Area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.

Sa naging koordinasyon ng Pasay City Police Station–Station Intelligence Section sa NAIA Police Station 3, naaresto ang akusado na dumating mula Bangkok, Thailand sa bisa ng warrant of arrest para sa paglabag niya sa Section 155 o Trademark Infringement na may kaugnayan sa Section 170 ng Republic Act 8293 o mas kilala bilang Intellectual Property Code of the Philippines.

Ang kinakaharap na kaso ay may inirekomendang piyansa na ₱10,000.00.

Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng Pasay City Police Station–Station Intelligence Section ang akusado para sa tamang dokumentasyon at iba pang legal na proseso.

Facebook Comments