BANGSAMORO BASIC LAW | Senado, tiwalang kayang tapusin sa loob ng 3 araw ang bicam sa BBL

Manila, Philippines – Tiwala si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na sa loob ng tatlong araw mula ngayon ay matatapos nila ang Bicameral Conference Committee o Bicam Con-com para sa panukalang Bangsamoro Basic Law o BBL.

Ayon kay Zubiri, napagkasunduan nila ni Senate President Tito Sotto III na imungkahi sa mga kinatawan ng Kamara na haharap sa bicam na isantabi muna nila ang mga probisyon sa BBL na pinagtatalunan.

Sabi ni Zubiri, halos 150 ang amyendang ipinasok ng Senado sa BBL na sisikapin nilang magkaroon ng win-win solution sa bersyon ng Lamara.


Halimbawa ng mga contentious provision sa BBL ay ang 39 na munisipalidad ng North Cotabato na nais ng Senado na maging bahagi ng hurisdiksyon ng Bangsamoro.

Gayundin ang mga probisyon ukol sa share ng Bangsamoro Government sa makukulektang buwis, taripa at customs duties ng national government.

Tiyak ding pagdedebatehan ng husto sa bicam ang anti-political dynasty sa BBL, isyu ng block grant, pagbabawal sa Bangsamoro Parliament na bumili ng armas, mga bala at pampasabog, at mga probisyon ukol sa Bangsamoro Regional Police, at marami pang iba.

Si Zubiri ang head ng contingent ng Senado sa bicam na kinabibilangan din nina Senators Sonny Angara, Koko Pimentel, Sherwin Gatchalian, Chiz Escudero, Loren Legarda, Risa Hontiveros, Kiko Pangilinan at Senate Minority Leader Franklin Drilon.

Facebook Comments