Bangsamoro general assembly, tuloy na sa November 26-27!

Makaraan ang 3 beses na pagkakaurong, tuloy na sa Nobyembre 26-27, 2017 ang Bangsamoro general assembly na itinataguyod ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Transition Commission (BTC).
Sa pamamagitan ng DXMY-RMN Cotabato, inanunsyo ni MILF 1st Vice Chairman for Political Affairs at BTC Chair Ghazali Jaafar na mulinga itinakda sa nabanggit na mga petsa ang naturang asembleya na gaganapin sa Old Provincial Capitol Compound sa Crossing Simuay, Sultan Kudarat, Maguindanao.
Ayon kay Jaafar, naipagpaliban lamang ito dahil naging mahigpit ang schedule ni Pangulong Rodrigo Duterte, nais anya kasi ng pangulo na dumalo sa pagtitipon.
Ipinaliwanag din ni Jaafar na kailangang maisakatuparang ang Bangsamoro general assembly bilang pagtalima sa Executive Order ni Pangulong Duterte na nagsasaad na isagawa ito sa oras na mabuo na ng BTC ang bagong Bangsamoro Basic Law (BBL) na ngayon ay nasa kamay ng ng Kongreso.
Tiwala naman si Jaafar na hindi na muling maipagpapaliban ang assembly na inaasahang dadaluhan ng 500, 000 hanggang 1, 000, 000 katao.
Ilan sa VIPs na dadalo ay ambassadors, foreign dignitaries na may direktang kinalaman sa peace process, liderato ng mataas at mababang kapulungan ng Kongreso at mga opisyales mula sa ARMM.
Layon ng pagtitipon na ipakita ang suporta sa pagpasa ng BBL. (photo credit: mindanews.com)

Facebook Comments