BANGUS FINGERLINGS, PINAKAWALAN SA MANAMTAM SALT SPRING

Cauayan City – Upang mapalakas pa ang sustainable aquaculture, naglagay ng Bangus (milkfish) fingerlings ang Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region 2 (DA-BFAR 2) sa bagong tuklas na Manamtam Salt Spring sa Nueva Vizcaya noong Enero 8, 2025.

Ang inisyatibong ito ay isinagawa sa pamamagitan ng Fisheries Production and Support Services Division ng ahensiya, katuwang ang Provincial Fishery Office (PFO) ng Nueva Vizcaya.

Layunin ng pilot project na ito na tuklasin ang potensyal ng Manamtam Salt Spring para sa aquaculture, at suriin ang kakayahan ng lugar para sa fish farming at matukoy ang tamang kondisyon para sa paglaki at kaligtasan ng Bangus.


Kapag naging matagumpay ang proyekto, maaaring magbukas ito ng oportunidad para sa mas malawak na operasyon ng aquaculture na makatutulong sa lokal na ekonomiya at sa kabuhayan ng mga residente sa lugar.

Dumalo sa nasabing aktibidad ang mga kinatawan mula sa PFO-Nueva Vizcaya, Provincial Agricultural Office, Tanggapan ni Board Member Roland M. Carub, at mga miyembro ng Timpuyog ti Babbalasang Idi Kalman, Incorporated – Bambang Chapter.

Facebook Comments