Manila, Philippines – Kinumpirma ni Pangulong Rodrigo Duterte na naipasara na ni Senador Antonio Trillanes IV ang kanyang bank account sa singapore bago pa man lumagda sa isang waiver.
Sa isang panayam, sinabi ng pangulo, ginawa ni Trillanes ang pagpapasara sa kanyang bank account sa DBS Alexandrea Account sa Singapore sa pamamagitan ng online banking pasado alas 10:00 ng gabi noong September 8.
September 11 nang pumirma si Trillanes sa isang waiver para pabuksan ang bank account.
Habang September 19 nang magpunta ang senador sa Singapore.
Sinabi pa ng pangulo na aabot sa 200,000 Singapore dollar ang nailipat ni Trillanes sa naipasarang bank account sa isang Fabian Go at Roberto Fong.
May pera rin aniyang inilipat si Trillanes sa isang John Gomez.
Aniya, ang naturang pera ay ginamit umano para sa destabilisasyon sa administrasyon.
Giit pa ng pangulo, sinadya ni Trillanes na maliliit lamang ang ginawang pagwi-withdraw sa kanyang bank account para hindi mapansin ng Anti-Money Laundering Council.
Kumpiyansa aniya siya na solido ang kanyang ebidensya dahil gobyerno mula sa ibang bansa ang kaniyang mga nakuhang dokumento.
Gayunman, hindi na tinukoy ng pangulo kung sa anong bansa nanggaling ang mga ebidensya.