Bank accounts ng DPWH officials at contractors, ipina-freeze dahil sa flood control anomaly

Ipinag-utos ng Anti-Money Laundering Council ang pag-freeze sa mahigit isandaang bank accounts at insurance policies ng mga indibidwal at kumpanyang sangkot umano sa maanomalyang flood control projects ng pamahalaan.

Kasunod ito ng liham ni Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon sa AMLC kung saan hiniling niya ang paglalabas ng freeze orders laban sa 26 na opisyal at contractors, kabilang ang ilang dating district engineers, project engineers, at pribadong kontratista.

Sa dalawang pahinang sulat kay AMLC Executive Director Atty. Matthew David, iginiit ni Dizon na may sapat na basehan para ipawalang-galaw ang bank accounts at assets ng mga sangkot at bilang tugon na rin sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na papanagutin ang mga responsable sa kontrobersiya at korapsyon.

Kabilang sa mga ipinasok sa listahan para sa freeze order sina dating Bulacan 1st District Engineer Henry Alcantara, dating Assistant District Engineer Brice Hernandez, sinibak na construction division chief Jaypee Mendoza, at ang kontrobersyal na mag-asawang contractor na sina Curlee at Sarah Discaya.

Ayon kay Dizon, mahalaga ang hakbang na ito upang mapigilan ang paggamit at paglilipat ng umano’y ill-gotten wealth habang nagpapatuloy ang imbestigasyon at posibleng pagsasampa ng kaso.

Facebook Comments