Manila, Philippines – Iniimbestigahan na ng Office of the Ombudsman ang listahan ng umano’y mga bank transaction ng pamilya ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang listahan ng mga bank record ay kaugnay sa inumpisahang imbestigasyon ng ombudsman noong 2016 bunsod ng alegasyon ni Senador Antonio Trillanes na may tagong yaman ang pangulo.
Ayon kay Overall Deputy Ombudsman Arthur Carandang – saklaw nito ang mga bank transactions ni Duterte mula pa noong Mayor siya ng Davao City.
Base sa mga bank record na nakalap ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), may daan-daang milyong pisong halaga ng mga transaksyon ang pamilya Duterte sa iba’t-ibang banko mula 2006 hanggang 2016.
Pero paglilinaw ni Carandang, labas-pasok ang transaksyon sa mga nasabing bank account kaya mahirap matukoy kung magkano talaga ang kabuuang deposito.
Samantala, sumulat na rin ang Ombudsman sa AMLC para humingi ng opisyal na AMLC investigation reports.
Iginagalang naman daw ng Malacañang ang trabaho ng Ombudsman at naniniwalang walang itong kikilingan.
Mag-iinhibit naman si Ombudsman Conchita Carpio-Morales dahil asawa ni Davao City Mayor Sara Duterte ang kanyang pamangkin.
Gayunman, tiwala aniya siya sa kakayahan ng kanyang deputy Ombudsman na mag-imbestiga ng patas.