Maaaring pagbayarin ang mga bansang mapapatunayang lumabag sa itinakdang priority list para sa COVID-19 vaccines ng Covax Facility.
Ito ang inihayag ngayon ng vaccine alliance na Gavi kasunod ng umano’y pagsingit ng ilang opisyal ng gobyerno at isang aktor kahit hindi sila kasama sa priority list na itinakda ng World Health Organization.
Batay sa itinakda ng WHO, ang health care workers ang unang dapat na mabakunahan pero hindi pa man natatapos ang inoculation sa mga ito ay nagpabakuna na ang ilang opisyal ng gobyerno.
Ayon sa pahayag ng Gavi, ang hindi pagsunod sa vaccine priority plan ay maituturing na isang “misuse” sa bakuna maliban na lamang kung babaguhin ng isang bansa ang kanyang priority list at ipapaalam sa Covax Facility.
Sakaling may nangyaring misuse sa libreng bakuna na ibinigay ng Covax ay maaaring parusahan at pagbayarin ang bansang lumabag dito.
Sa ngayon aniya ay pinag-aaralan na ng Covax, World Health Organization at Coalition for Epidemic Preparedness Innovations ang pagsingit ng ilang alkalde sa vaccination program ng bansa.